Tradisyon at Kulturang Pilipino’y Panatilihin; Pagkakabuklod-buklod ng Pamilya’y Pagtibayin

Posted on: Aug 3, 2017

PRESCHOOL

Ngayong buwan ng Agosto, ang mga mag-aaral ng ay magkakaroon ng pagkakataong pahalagahan ang kagandahan ng Kulturang Pilipino. Ang unti-unting pagtuklas nila sa kagandahang ito ay nagsisimula sa pagkilala sa Pamilyang Pilipino, tulad ng mga tungkulin ng bawat kasapi ng pamilya, pagpapakita ng pagmamahal at pagpapahalaga sa bawat kasapi. Tunay ngang maipagmamalaki natin ang Pamilyang Pilipino!

Bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ng Preschool Department, magkakaroon ng iba’t ibang gawain ang mga mag-aaral.  Ang mga gawaing ito ay naglalayong:

  • mapaigting ang pagkilala sa Pamilyang Pilipino
  • maitanghal ang wika bilang instrumento ng pambansang kaunlaran;
  • mapalalim ang pagkamakabayan at pagmamahal sa sariling wika at pagkakakilanlan; at
  • maipakita ang kahalagahan ng wika para sa pambansang kaunlaran.

Mga Gawain:

  1. Malikhaing Pagbasa

Magkakaroon ng pagbisita at pagbasa ng maikling kwento ng mga piling mag-aaral ng Senior Kinder sa bawat pangkat ng Preschool. Ito ay gagawin tuwing araw ng Biyernes sa buwan ng Agosto

      2. Malikhaing Pagsulat

                        Magkakaroon ng pagsagot na pasulat ang mga mag-aaal ng Senior Kinder. May mga  katanungang ibibigay ang mga guro sa mga mag-aaral tungkol sa kanilang pamilya na sasagutin nila nang pasulat. Ang mga sagot ng mga bata ay ilalagay sa bulletin board.

       3. Adarna Book Fair

Magkakaroon ng isang pagtitinda ng mga aklat o Book Fair ang Adarna Publishing House simula Agosto 22 (Martes) hanggang Agosto 25, 2017 (Biyernes). Inaanyayahan namin kayong tanungin ang inyong anak kung may magugustuhan silang aklat sa wikang Filipino at bilhin ito para sa kanila upang malinang sa kanila ang pagpapahalaga sa pagbasa. Maaari ninyong makita ang mga aklat sa may unahang bahagi ng paaralan.

       4. Talakayan

Magkakaroon ng talakayan sa silid-aralan tuwing Biyernes sa buong buwan ng Agosto tungkol sa:

  1. Pamilyang Pilipino
  2. Pambansang Sagisag ng Pilipinas
  3. Mga bayaning Pilipino
  4. Makasaysayang Lugar sa Pilipinas
  5. Larong Pinoy
  6. Mga produkto mula sa Pilipinas

       5. Pagkukwento

Magkakaroon ng pagkukwento sa basketball court sa ika-31 ng Agosto 2017 na pangungunahan ng story teller mula sa Adarna Publishing House.

     6. Salo-salo

Magkakaroon din ng simpleng salo-salo ang mga mag-aaral sa kanilang silid-aralan.  Ang bawat mag-aaral ay magdadala ng Kakaning Pinoy (hal. puto, kutsinta, bibingka, suman, sapin-sapin, atbp.) na kakasya at maibabahagi sa 3-5 katao. Ito ay gaganapin sa pagtatapos ng Buwan ng Wika sa ika-31 ng Agosto, araw ng Huwebes

      7. Palarong Pilipino

Bilang Pagtatapos ng Buwan ng Wika, magkakaroon ang mga mag-aaral ng isang Palarong Pinoy sa ika-31 ng Agosto, Huwebes. Layunin ng gawaing ito ang makilala at maranasan ng ating mga mag-aaral ang iba’t ibang larong katutubong Pilipino.

Ayon sa naging Pangulong Manuel L. Quezon, kilalang Ama ng Wikang Pambansa, ang kaarawan ay ginugunita at ipinagdiriwang tuwing ika-19 ng Agosto, ang Wikang Pambansa ay isa sa mga katibayang dapat taglayin ng bawat malaya at nagsasariling bansa. Dahil dito, nagsisikap tayo hindi lamang patungo sa pagpapayaman nito upang maging mabisang kasangkapan sa pagpapalawak ng diwa at pagpapalaganap ng kultura. Ang pagka-Pilipino sa isip, ugali, damdamin at sa wikang nagpapahayag ng kabuuan ng disiplinang Pilipino ang kailangan ng mga mamamayan lalu na sa ating pamilyang Pilipino!

GRADE SCHOOL

Tuwing buwan ng Agosto ay ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wikang Pambansa. Para sa taong ito, ang ating tema ay: “Tradisyon at Kulturang Pilipino’y Panatilihin; Pagkakabuklod-buklod ng Pamilya’y Pagtibayin.” Ang ating pamunuan ay naglalayong mapalawak ang kaisipan at damdamin ng ating mga batang mag-aaral hinggil sa iba’t ibang tradisyon, kultura, at kaugaliang dapat mayroon ang isang pamilyang Pilipino. Kaugnay nito, ang mga paligsahang pansilid-aralan katulad ng Malikhaing Pagbasa, Deklamasyon, Pag-awit ng Sariling Atin o OPM, at Pagsulat ng Tula ay patungkol sa pamilyang Pilipinong. Ang mga ito’y magbibigay-diin at halaga sa yaman ng wika at kulturang sariling atin. Karagdagan dito ay ang pagbabahagi ng mga piling mag-aaral sa bawat klase ng kani-kanilang sariling karanasan sa kanilang pamilya ng paggamit at pagsasabuhay ng ilang magagandang kaugaliang Pilipino. Halimbawa, ay ang paggamit ng po at opo, pagmamano, pagkain nang sabay-sabay sa hapag kainan, pagdarasal nang sama-sama, pagsamba tuwing araw ng Linggo at marami pang iba.

Bilang katuwang ng paaralan sa kabuuang paghubog ng bawat mag-aaral ng Child Jesus of Prague School, inaasahan po naming mga mahal na magulang ang inyong pakikiisa sa muling pagsasabuhay at pagpapanatili ng mga tradisyon, kultura, at kaugaliang mayroon ang bawat pamilyang Pilipino tungo sa pagkakabuklod-buklod at pagpapatibay nito.

MIDDLE SCHOOL

Ang pagsapit ng Buwan ng Agosto ay isang kapana-panabik na pagkakataon  upang  muling sariwain ang ating kultura, tradisyon, paniniwala at panitikan. Ang lahat ng gawaing pampaaralan sa buwang ito ay may paksang “Pamilya’y Ating Pagbuklurin , Pistang Pinoy Ibalik Natin”. Naglalayon itong muling pagsama-samahin ang pamilya ng ating mga mag aaral at sila’y magtulungan upang buhayin ang matamis na pagtitinginan at samahan ng bawat kasapi nito.

Ang ilan sa mga nakatakdang gawain sa buwang ito ay ang Tagis-Talino ng mga kabataan pagdating sa asignaturang Filipino. Magkakaroon din ng pagkakataon ang ating pamilya na magsama-sama sa bawat linggo ng buwan, at gawing mas mabunga ang bawat oras na kasama ang isa’t isa sa pamamagitan ng “Iyan ang Pamilya Ko!”.

Sa ika-26 ng Agosto naman ay bubuhayin natin ang makulay na “Pistang Pinoy” na dadaluhan ng lahat ng kasapi ng pamilya. Dito ay maraming nag-aabang na mga kapana-panabik na gawain kung saan ang lahat ng kasapi ng mag-anak ay kailangang magtulungan upang magtagumpay.

HIGH SCHOOL

Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay idinaraos tuwing sasapit ang buwan ng Agosto. Sinasalamin ng selebrasyong ito ang kahalagahan ng Filipino bilang Wikang Pambansa. Dahil dito, nararapat lamang na makilala at mapahalagahan ng mga mag-aaral ng Child Jesus of Prague School ang mga bagay na sumasagisag sa ating kakanyahan bilang isang bansa. Bukod sa pagpapatibay ng Wikang Filipino, nakapokus din ang ating pagdiriwang sa kahalagahang dulot ng komunikasyon sa mabuting pakikipag-ugnayan sa bawat miyembro ng pamilya at sa kapwa.

Ang mga kaalaman sa wika at pakikipagkomunikasyon ay masusubok at malilinang sa pamamagitan ng patimpalak na “Filipino Quiz Bee”, Paglikha ng Awit, Maikling Dula-dulaan, Balagtasan at Sabayang Pagbasa. Bukod dito, may mga piling mag-aaral na magpapamalas ng kanilang talento sa pamamagitan ng talumpati at “spoken poetry” na sumisimbulo sa mga ugali at tradisyon ng Pamilyang Pinoy.  Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga gawaing nakatakda sa buwang ito upang maipamalas ang kahalagahan ng komunikasyon sa pakikipag-ugnayan sa panahon ngayon.

 Ang selebrasyon natin ngayong Buwan ng Wika ay may tema na:  “Komunikasyon: Susi sa Mabuting Ugnayan ng Pamilya at Pakikipagkapwa sa Kasalukuyang Panahon” .  Kaugnay nito, ang bawat pamilya ay hinihikayat na maglaan ng oras na makapanood ng mga pelikulang Pilipinong kapupulutan ng aral ng bawat pamilya.

 

School Calendar

CJPS Hotlines
Preschool: (02)586-92-16
Elementary: (02)652-04-03
High School: (02)652-37-87