Bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ng Preschool Department, magkakaroon ng iba’t ibang gawain ang mga mag-aaral. Ang mga gawaing ito ay naglalayong:
- maitanghal ang wika bilang instrumento ng pambansang kaunlaran;
- mapalalim ang pagkamakabayan at pagmamahal sa sariling wika at pagkakakilanlan; at
- maipakita ang kahalagahan ng wika para sa pambansang kaunlaran.
- Kasuotang Pilipino (Filipiniana)
- Nais po naming ipaalam na magsusuot ng kasuotang Pilipino ang mga bata. Hindi na kailangang bumuli ng bagong kasuotan. Ito rin ay hindi paligsahan.
- Para sa manipis na kasuotan, tiyaking magsuot ng makapal na panloob.
- Magsuot ng angkop ng pangyapak tulad ng tsinelas na gawa sa katutubong materyales. Maaari ring magsuot ng sandalyas. Huwag magsuot ng bakya upang maiwasan ang pagkadulas.
- Kasuotang Makabayan
Ipakita natin ang ating pagkamakabayan sa pamamagitan ng t-shirt. Sa araw ng Pagtatapos ng Buwan ng Wika, ang mga mag-aaral ay magsusuot ng t-shirt na nagpapakita ng pagmamahal sa bansa (patriotism shirt) o anumang t-shirt na nagpapakita ng magagandang tanawin sa Pilipinas (souvenir shirt). Ang pambaba ay pantalong maong at rubber shoes.
- Hindi pinapayagan ang pagsusuot ng t-shirt na naglalaman ng anumang isyung pulitikal.
- Tandaan, hindi kailangang bumili ng t-shirt. Para sa mga walang Makabayan shirt, magsuot lamang ng puting t-shirt at dikitan ito ng short bond paper na naglalaman ng larawan o pahayag na nagpapahayag ng pagmamahal sa bansa.
- Adarna Book Fair
- Magkakaroon ng isang pagtitinda ng mga aklat o Book Fair ang Adarna Publishing House Simula sa Lunes, Agosto 24 hanggang Biyernes, Agosto 28, 2015. Inaanyayahan namin kayong tanungin ang inyong anak kung may magugustuhan silang aklat sa wikang Filipino at bilhin ito para sa kanila. Maaari ninyong makita ang mga aklat sa may unahang bahagi ng paaralan.
- Salu-salo
- Magkakaroon din ng simpleng salu-salo ang mga mag-aaral sa kanilang klasrum. Ang bawat mag-aaral ay magdadala ng kakanin (hal. puto, kutsinta, bibingka, suman, sapin-sapin, atbp.) na kakasya at maibabahagi sa 3-5 katao.
- Palarong Pilipino
- Bilang Pagtatapos ng Buwan ng Wika, magkakaroon ang mga mag-aaral ng isang Palarong Pinoy sa ika-28 ng Agosto, Biyernes. Layunin ng gawaing ito ang makilala at maranasan ng ating mga mag-aaral ang iba’t ibang larong katutubong Pilipino.