ANUNSYO SA BUWAN NG AGOSTO

PRESCHOOL

Naging matagumpay ang pagtatapos ng Buwan ng Nutrisyon noong ika-26 ng Hulyo. Natutunan ng mga mag-aaaral sa Preschool ang kahalagahan ng pagkain ng masusustansyang pagkain at ang mabuting naidudulot nito sa ating katawan. Lalo’t higit, natuto silang maghanda ng simpleng meryenda para sa kanilang sarili.

Sa buwan naman ng Agosto ay ginugunita natin ang kahalagahan ng pagkakaroon nating mga Pilipino ng sariling wika, na naging dahilan upang tayo ay magka buklod-buklod. Ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wika sa Preschool Department upang lalong mapaigting ang pagkilala sa Pamilyang Pilipino at higit pang mapalalim ang pagkamakabayan at pagmamahal sa sariling Wika. Sa pamamagitan nito, maipapakita natin ang kahalagahan ng wika para sa pambansang kaunlaran.

Sa panahon ding ito, mabibigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral ng Preschool na mapag-aralan, matuklasan  at matutunan ang kagandahan ng Kulturang Pilipino. Ang unti-unting pagtuklas nila sa kagandahang ito ay nagsisimula sa pagkilala sa Pamilyang Pilipino, at bilang kasapi ng pamilya, tungkulin nating ipakita ang pagpapahalaga, pagmamahal at pagmamalasakit hindi lamang sa pamilya, ganun din sa kulturang Pilipino.

GRADE SCHOOL

Taos pusong pasasalamat ang ipinararating namin sa inyo, mga mahal naming mga magulang, dahil sa inyong pagkikipagugnayan sa pamamagitan ng Parent-Teacher Conference (PTC) sa mga gurong tagapayo ng inyong mga anak. Malaking tulong ang inyong pagdalo sa nasabing gawaing pampaaralan upang mabigyang pansin at mapagtulungan ang mga pangangailan ng inyong mga anak sa kanilang pag-aaral. Nawa”y magpatuloy ang ating pagtutulungan para sa kanilang kapakanan.

Tuwing buwan ng Agosto ay ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wikang Pambansa. Para sa taong ito, ang ating layunin ay: “Maipamalas ang pagmamahal sa sarili, pamilya, kapwa, bayan, at sa Diyos.” Ang ating pamunuan ay naglalayong mapalawak ang kaisipan at damdamin ng ating mga batang mag-aaral hinggil sa iba’t ibang tradisyon, kultura, at kaugaliang dapat mayroon ang isang pamilyang Pilipino. Kaugnay nito, ang mga paligsahang pansilid-aralan katulad ng Malikhaing Pagbasa, Deklamasyon, Munting Balagtasan, at Sabayang Pagbigkas ay patungkol sa pagmamahal sa sarili, pamilya, kapwa, bayan, at sa Diyos. Ang mga ito’y magbibigay-diin at halaga sa yaman ng wika at kulturang sariling atin. Karagdagan dito ay ang pagbabahagi ng mga piling mag-aaral sa bawat klase ng pagbabalik tanaw sa mga nakaraang kasaysayan patungkol sa ating sariling wika, mga sagisag ng Pilipinas, mga produktong Pilipino, mga laro, pagkaing pinoy, mga tradisyon, magagandang kaugalian at salitang Pilipino. Halimbawa, ay ang paggamit ng po at opo, pagmamano, pagkain nang sabay-sabay sa hapag kainan, pagdarasal nang sama-sama, pagsisimba tuwing araw ng Linggo, pagkain ng mga kakanin at marami pang iba.

Bilang katuwang ng paaralan sa kabuuang paghubog ng bawat mag-aaral ng Child Jesus of Prague School, inaasahan po naming mga mahal na magulang ang inyong pakikiisa sa muling pagsasabuhay at pagpapanatili ng mga tradisyon, kultura, at kaugaliang mayroon ang bawat pamilyang Pilipino tungo sa pagkakabuklod-buklod at pagpapatibay nito.

            Inaayahan din po namin kayo na dumalo sa First Parenting Seminar na gaganapin sa ika – 7 ng Setyembre 2019, 9:30 ng umaga na susundan ng Report Card Day pagkatapos nito.

MIDDLE SCHOOL

Tunay na naging makabuluhan ang pagdiriwang ng Buwan ng Nutrisyon para sa mga mag-aaral sa Middle School dahil sa mga aktibidad na nagturo sa kanila na bigyang priyoridad ang kalusugan sapagkat ito ay mula sa Diyos. Ang pagkakaroon ng Wellness Exercise at Hapag Pinoy Boodle Fight Contest ay naging daan para maipamalas nila ang kanilang mga talento, mabigyang halaga ang pag-eehersisyo at masustansiyang pagkain at magtulungan para sa pagkamit ng isang layunin. 

Ngayong Agosto, layon nating mabigyang halaga ang pakikipagtalastasan bilang daan sa paghubog ng sosyo-emosyonal at ispiritwal na paglago ng mga mag-aaral.

Gamit ang paksa ngayong taon na “When God is our root, Love is our fruit,” ang ilan sa mga nakatakdang gawain sa buwang ito ay ang Tagis-Talino, paggawa ng tula kasama ang pamilya, bugtungan, masining na pagkukuwento at paggawa ng komik strip.

Magkakaroon din ng pagkakataon ang mga mag-aaral na ibahagi ang kanilang mga lumang libro ng alamat, tula, maikling kuwento atbp. sa proyektong “Librong Ibabahagi, Dala ay Ngiti” kung saan ang makakalap na mga aklat ay ibibigay natin sa mga nangangailangan nito.


HIGH SCHOOL

Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay idinaraos tuwing sasapit ang buwan ng Agosto. Sinasalamin ng selebrasyong ito ang kahalagahan ng Filipino bilang Wikang Pambansa. Dahil dito, nararapat lamang na makilala at mapahalagahan ng mga mag-aaral ng Child Jesus of Prague School ang mga bagay na sumasagisag sa ating kakanyahan bilang isang bansa. Bukod sa pagpapatibay ng Wikang Filipino, nakapokus din ang ating pagdiriwang sa pag-alala sa mga Kulturang Pilipino na sa kasalukuyang panahon ay di gaanong nabibigyang pansin. 

Ang selebrasyon natin ngayong Buwan ng Wika ay may tema na:  “Cool-turang Pilipino, Ipagmamalaki ko”.  Ang mga kaalaman sa wika at kulturang Pilipino ay masusubok at malilinang sa pamamagitan ng patimpalak na Tagis-Talino, Sayawit, Katutubong Sayaw, at Laro ng Lahi.  Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga gawaing nakatakda sa buwang ito.


CHILD JESUS OF PRAGUE SCHOOL

Binangonan , Rizal

CJPS Hotlines:

Calumpang: (02) 8652-0403, (02) 7586-9216

Batingan: (02) 8652-3787


Copyright ©2024 CJPS. Web development by: welwix.com Sitemap | Privacy | Contact Us