Agosto- Buwan ng Wika

PRESCHOOL

         Ang buwan ng Agosto ay paggunita at pagdiriwang ng  Buwan ng Wika! Sa panahong ito, mabibigyan ng pagkakataon ang mga mag-aaral ng Kindergarten na pag-aralan, matuklasan at matutunan ang kagandahan ng Kulturang Pilipino. Ang unti-unting pagtuklas nila sa kagandahang ito ay magsisimula sa pagkilala sa Pamilyang Pilipino, ang mga tungkulin ng bawat kasapi ng pamilya, at ang pagpapakita ng pagmamahal at pagpapahalaga sa bawat kasapi ng pamilya. Tunay ngang maipagmamalaki natin ang Pamilyang Pilipino!

Bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ng Preschool Department, magkakaroon ng iba’t ibang gawain ang mga mag-aaral.  Ang mga gawaing ito ay naglalayong:

  • mapaigting ang pagkilala sa Pamilyang Pilipino
  • maitanghal ang wika bilang instrumento ng pambansang kaunlaran;
  • mapalalim ang pagkamakabayan at pagmamahal sa sariling wika at pagkakakilanlan; at
  • maipakita ang kahalagahan ng wika para sa pambansang kaunlaran.

Mga Gawain

      1. Adarna Book Fair

    Magkakaroon ng pagtitinda ng mga aklat o Book Fair ang Adarna   Publishing House simula Agosto 28 (Martes) hanggang Agosto 31, 2018 (Biyernes). Inaanyayahan namin kayong tanungin ang inyong anak kung may magugustuhan silang aklat sa wikang Filipino at bilhin ito para sa kanila upang malinang sa kanila ang pagpapahalaga sa pagbasa. Maaari ninyong makita ang mga aklat sa may unahang bahagi ng paaralan.

     2. Talakayan

Magkakaroon ng talakayan sa silid-aralan tuwing Biyernes sa buong     

buwan ng Agosto tungkol sa:                    

  1. Pamilyang Pilipino
  2. Mga Bayaning Pilipino
  3. Mga Produkto ng Pilipinas

      3. Parada:

         Magsusuot ang mga mag-aaral ng simpleng kasuotang Pilipino sa Ika - 31 ng Agosto. Magkakaroon ng munting parada sa loob ng paaralan upang maipakita nila ang kagandahan ng mga kasootang Pilipino.  Nais po naming ipaalam na hindi na kailangang bumuli ng bagong kasuotan. Ito rin ay hindi paligsahan.

Para sa manipis na kasuotan, tiyaking magsuot ng panloob.  Magsuot ng angkop na pangyapak tulad ng tsinelas na gawa sa katutubong materyales. Maaari ring magsuot ng sandalyas. Huwag magsuot ng bakya upang maiwasan ang pagkadulas.

      4. Pagkukwento

Magkakaroon ng pagkukwento sa silid-aralan sa ika-31 ng Agosto 2018 na pangungunahan ng story teller mula sa Adarna Publishing House.

      5. Salo-salo

    Magkakaroon din ng simpleng salu-salo ang mga mag-aaral sa kanilang klasrum.  Ang bawat mag-aaral ay magdadala ng kakanin (hal. puto, kutsinta, bibingka, suman, sapin-sapin, atbp.) na kakasya at maibabahagi sa 3-5 katao.  Ito ay gaganapin sa pagtatapos ng Buwan ng Wika sa ika-31 ng Agosto, araw ng Biyernes.

     6. Palarong Pilipino

Bilang Pagtatapos ng Buwan ng Wika, magkakaroon ang mga mag-aaral ng isang Palarong Pinoy sa ika-31 ng Agosto, Biyernes. Layunin ng gawaing ito ang makilala at maranasan ng ating mga mag-aaral ang iba’t ibang larong katutubong Pilipino.

     7. Linggo ng Nanay at Tatay (Mommy and Daddy Week)

Sa pagkilala ng Pamilyang Pilipino, inaanyayahan namin ang mga nanay at tatay na ibahagi ang kanilang espesyal na talento sa mga mag-aaral upang mabigyang kahulugan ang mga tungkulin na ginagampanan ng mga miyembro ng isang pamilya.  Isang liham ang ipadadala na tinatalakay ang detalye ng aktibidad na ito.

Ayon sa naging Pangulong Manuel L. Quezon, kilalang Ama ng Wikang Pambansa, “ang Wikang Pambansa ay isa sa mga katibayang dapat taglayin ng bawat malaya at nagsasariling bansa. Dahil dito, nagsisikap tayo hindi lamang patungo sa pagpapayaman nito upang maging mabisang kasangkapan sa pagpapalawak ng diwa at pagpapalaganap ng kultura.” Ang pagka-Pilipino sa isip, ugali, damdamin at sa wikang nagpapahayag ng kabuuan ng disiplinang Pilipino ang kailangan ng mga mamamayan lalu na sa ating pamilyang Pilipino!

GRADE SCHOOL

       Tuwing buwan ng Agosto ay ipinagdiriwang natin ang Buwan ng Wikang Pambansa. Para sa taong ito, ang ating tema ay: “Tradisyon at Kulturang Pilipino’y Panatilihin; Pagkakabuklod-buklod ng Pamilya’y Pagtibayin.” Ang ating pamunuan ay naglalayong mapalawak ang kaisipan at damdamin ng ating mga batang mag-aaral hinggil sa iba’t ibang tradisyon, kultura, at kaugaliang dapat mayroon ang isang pamilyang Pilipino. Kaugnay nito, ang mga paligsahang pansilid-aralan katulad ng Malikhaing Pagbasa, Deklamasyon, Pag-awit ng Sariling Atin o OPM, at Pagsulat ng Tula ay patungkol sa pamilyang Pilipino. Ang mga ito’y magbibigay-diin at halaga sa yaman ng wika at kulturang sariling atin. Karagdagan dito ay ang pagbabahagi ng mga piling mag-aaral sa bawat klase ng kani-kanilang sariling karanasan sa kanilang pamilya ng paggamit at pagsasabuhay ng ilang magagandang kaugaliang Pilipino. Halimbawa, ay ang paggamit ng po at opo, pagmamano, pagkain nang sabay-sabay sa hapag kainan, pagdarasal nang sama-sama, pagsisimba tuwing araw ng Linggo at marami pang iba.

Bilang katuwang ng paaralan sa kabuuang paghubog ng bawat mag-aaral ng Child Jesus of Prague School, inaasahan po naming mga mahal na magulang ang inyong pakikiisa sa muling pagsasabuhay at pagpapanatili ng mga tradisyon, kultura, at kaugaliang mayroon ang bawat pamilyang Pilipino tungo sa pagkakabuklod-buklod at pagpapatibay nito.

Bukod pa rito, nalulugod kaming ipaalam muli sa inyo na ang Child Jesus of Prague School ay isa sa dalawampung (20) paaralan na napili sa buong Luzon upang magkaroon ng Nickelodeon, kid's network, Road to Worldwide Day of Play na magaganap sa ika-30 ng Agosto 2018 sa CJPS, Calumpang Campus. Ang layunin ng gawaing ito ay upang himukin ang aktibong paglalaro at malusog na pamumuhay sa ating mga mag-aaral. Ito ay magaganap lamang sa loob ng kalahating araw para sa mga mag-aaral ng Baitang 1 hanggang Baitang 4. Makatatanggap kayo ng kasunod na liham para sa detalye ng gawaing ito.

MIDDLE SCHOOL

         Ang pagsapit ng Buwan ng Agosto ay isang kapana-panabik na pagkakataon  upang muling sariwain ang ating kultura, tradisyon, paniniwala at panitikan. Ang lahat ng gawaing pampaaralan sa buwang ito ay may paksang “Bukas na Komunikasyon: Tulay sa Maayos na Pakikipagkapwa at Malalim na Pananampalataya”. Ito’y naglalayon na mabigyang halaga ang pakikipagtalastasan bilang daan sa paghubog ng sosyo-emosyonal at ispiritwal na paglago ng mga mag-aaral.

Ang ilan sa mga nakatakdang gawain sa buwang ito ay ang Tagis-Talino ng mga kabataan pagdating sa asignaturang Filipino. Magkakaroon din ng pagkakataon ang mga mag-aaral na ipamalas ang kanilang kakayahan sa pagsulat at pagbigkas ng tula, balagtasan, sabayang pagbasa at pagsulat ng sanaysay.

Ang mga magwawagi sa mga patimpalak na nabanggit ay magtatanghal at pararangalan sa pagtitining na gawain para sa Buwan ng Wika sa ika-31 ng Agosto, 2018.

HIGH SCHOOL

       Ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay idinaraos tuwing sasapit ang buwan ng Agosto. Sinasalamin ng selebrasyong ito ang kahalagahan ng Filipino bilang Wikang Pambansa. Dahil dito, nararapat lamang na makilala at mapahalagahan ng mga mag-aaral ng Child Jesus of Prague School ang mga bagay na sumasagisag sa ating kakanyahan bilang isang bansa. Bukod sa pagpapatibay ng Wikang Filipino, nakapokus din ang ating pagdiriwang sa kahalagahang dulot ng komunikasyon sa mabuting pakikipag-ugnayan sa bawat miyembro ng pamilya at sa kapwa.

Ang mga kaalaman sa wika at pakikipagkomunikasyon ay masusubok at malilinang sa pamamagitan ng patimpalak na Tagis-Talino, Paglikha ng Awit, Dagliang Talumpati, at “Spoken Poetry”.  Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga gawaing nakatakda sa buwang ito upang maipamalas ang kahalagahan ng komunikasyon sa pakikipag-ugnayan sa panahon ngayon.

 Ang selebrasyon natin ngayong Buwan ng Wika ay may tema na:  “Komunikasyon: Daan sa Matibay na Pakikipag-ugnayan sa Kapwa at  sa Dakilang Lumikha”.  Kaugnay nito, ang bawat pamilya ay hinihikayat na maglaan ng oras na makapanood ng mga Documentary Films na kapupulutan ng aral ng bawat pamilya.  

Bukod dito, ngayong Agosto ay muling ilulunsad ng “High School Department” ang “Family Prayer Crusade” na kung saan ito ay naglalayong iparating ang mensaheng “The Family that Prays Together, Stays Together”.

 


CHILD JESUS OF PRAGUE SCHOOL

Binangonan , Rizal

CJPS Hotlines:

Calumpang: (02) 8652-0403, (02) 7586-9216

Batingan: (02) 8652-3787


Copyright ©2024 CJPS. Web development by: welwix.com Sitemap | Privacy | Contact Us